CEBU CITY – Nahaharap sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang isang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-7 (CIDG) na pinaniniwalaang nangotong ng malaking halaga sa isang sibilyan makaraang masakote ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa isinagawang entrapment operation sa fastfood chain sa Mandaue City, Cebu kamakalawa.
Pormal na kinasuhan sa piskalya ang suspek na si SPO4 Reynaldo Matillano na nakabase sa Camp Sotero Cabahug. Napag-alamang inireklamo ang suspek ni Ronnie Hernani ng Barangay Polpogan, Consolacion, sa opisina ng NBI sa pangunguna ni Atty. Bernard dela Cruz kaugnay sa pangongotong ng P.1 milyon para hindi maisulong ang kasong illegal possession of fiream. Ayon sa ulat si Hernani ay naaresto ng grupo ni Matillano kasama na ang lima pang pulis ng CIDG-7 noong nakaraang Linggo sa bisini dad ng Consolacion dahil sa dala-dala nitong baril.
Napag-alamang hiningan ni Matillano si Hernani ng P100,000 ngunit tumawad pa ng P70,000 ang biktima hanggang sa magreklamo na ang huli sa NBI. Mariin namang pinabulaanan ni Matillano ang akusasyon sa kanya at sinabing tinutulungan lang niyang makakuha ng lisensya ng baril si Hernani.
Ayon naman kay P/Senior Supt. Zoilo Lachica, Jr., hepe ng regional CIDG-7, nahaharap ng posibleng pagka-dismiss sa serbisyo si Matillano. (Edwin Ian Melecio)