CEBU CITY – Dalawa-katao kabilang ang iniulat na pinaslang noong Biyernes sa naganap na magkahiwalay na karahasan sa Cebu City, Cebu.
Si Charles Sieberto “Berto” Bacatan, 32, na kalalabas pa lamang sa Cebu City Jail sa kasong droga, ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa bakuran ng kanyang bahay sa Dr. Reyes Street, Purok 3 Upper, Barangay Camputhaw, Cebu City.
Ayon kay SPO2 Jay Yballe, narekober sa crime scene, ang isang deformed metal jacket, apat na empty shells ng cal. 40 at isang coin purse na may lamang barya at apat na maliliit na paketeng pinaniniwalaang shabu mula sa bulsa ng pinaslang.
Kasunod nito, ilang minuto matapos patayin si Bacatan, isa namang barangay tanod ng Barangay Sudlon, ang binaril at napatay sa harap mismo ng kanyang maybahay at anak ng dati nitong hinuling suspek din sa pamamaril.
Ayon sa pulisya, pauwi na si Fermin Tulid, 33, kasama ng kanyang misis na si Zenaida at anak na si Gilbert nang harangin at pagbabarilin ng suspek na si Hermogenes Cabigas, 36.
Napag-alamang, isa sa mga dumakip sa suspek noong Agosto 13, 2007 ay si Tulid matapos nitong barilin ang kamag-anak.
Isa rin si Tulid sa naging saksi sa nasabing kaso kayat binalaan ito ng suspek na papatayin sakaling makapagpiyansa. (Edwin Ian Melecio)