NUEVA VIZCAYA - Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang 11-anyos na batang mag-aaral na dinukot noong Lunes (March 3) ng mga di-pa kilalang kalalakihan saka isinako at itinapon sa kanal na sakop ng Santiago City, Isabela, ayon sa ulat ng pulisya.
Bandang alas-10 ng uma ga nang madiskubre ang bangkay ni Christian Jay Bolos ng Roxas Avenue, Purok 4, na nakasako at palutang lutang sa irrigation canal sa Barangay Balintokatok,
Lumilitaw na inisyal na pagsusuri ng mga awtoridad na may palatandaang pinahirapan muna ang bata saka sinaksak sa leeg.
Napag-alamang papauwi na ang biktimang grade 6 mula sa pinapasukang Lasallete Elementary School nang kidnapin ng mga armadong kalalakihan.
Wala namang nagawa ang ilang residente na nakasaksi sa kasong kidnapping sa takot na madamay
Ayon sa source ng NGAYON, na nakipag-ugnayan ang mga kidnaper sa pamilya ng bata at humihingi ng P.5 milyon bilang ransom sa paglaya ng bata.
Kinumpirma naman ni Ze naida Bolos na may hinihinging ransom ang mga kidnaper subalit wala silang ganung kalaking halaga at nangakong magbibigay ng P.250 milyon noong Miyerkules sa pinagkasunduang lugar sa isang gasolinahan sa DM Barangay Batal.
Lumilitaw sa nakalap na impormasyon mula sa mapagkakatiwalaang source ng NGAYON na pinatay din ang bata kahit nakapagbigay ng ransom ang pamilya.
Pinaniniwalaang malaki ang galit ng mga kidnaper sa mga magulang ng bata kaya ginawa ang karumal-dumal na krimen.
Tumanggi namang magbigay ng anumang impormasyon ang pulisya kaugnay sa kasong kidnapping at maging sa ulat na isinumite sa Camp Crame ay hindi binanggit na kinidnap ang bata kahit na naipagbigay sa kanila na may mga nakasaksi.
Nangangamba ang mga opsiyal ng nasabing eskuwelahan na may susunod pang biktimang mag-aaral habang ang mga kidnaper ay nakakalaya. (Dagdag na ulat ni Joy Cantos)