KIDAPAWAN CITY – Isa pang mataas na lider ng Al Khobar extortion group ang inaresto ng pinagsanib na puwersa ng North Cotabato at Sultan Kudarat PNP sa isinagawang operasyon sa liblib na barangay sa bayan ng Libungan, North Cotabato, kahapon umaga.
Kinilala ni P/Supt. Joel Limson, hepe ng Tacurong City PNP, ang suspek na si Tongan Fatima, pang-apat sa pinakamataas na lider ng Al Khobar.
Nabatid na si Fatima na isinasangkot din sa serye ng pambobomba sa central Mindanao ay nahaharap sa kasong multiple attempted murder kaya dinakma sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Melanio Guerrero ng RTC Branch 20.
Base sa nilagdaan extra-judicial confession ng mga naarestong Al Khobar member na sina Badrudin Guiasilon at Musali Calo, si Fatima ay treasurer din ng Al Khobar.
Si Guiasilon ay inaresto noong August 2007 sa Tacurong City, samantalang si Calo ay nadakma sa General SK Pendatun, Maguindanao noong Feburary 21, 2008. (Malu Manar at Boyet Jubelag)