LA TRINIDAD, Benguet – Walang awang binaril at napatay ang isang 44-anyos na pulis ng isang barangay captain katuwang ang kanyang anak na lalaki sa naganap na panibagong karahasan sa loob ng amusement carnival sa bayan ng Pennarubia, Abra noong Martes ng gabi.
Ang biktimang si PO1 Albert Salvador na naglalaro ng ‘drop ball’ sa carnival nang lapitan at barilin sa ulo ng suspek na si Riang Barangay Captain Revillo Valera Damasen, 52.
Ayon sa mga nakasaksi sa krimen, hindi na kinausap ng suspek ang biktima at basta na lamang binoga sa likurang bahagi ng ulo.
Maging ang anak na lalaki ni Damasen ay nagpaputok ng M16 assault rifle para balaan ang sinumang magtatangkang tumulong sa napatay na pulis. Tugis naman ng pulisya ang mag-amang Damasen habang blangko pa rin ang kapulisan sa motibo ng pamamaslang.
Naganap ang krimen matapos ideklara ni Task Force Abra commander at Cordillera police deputy director for operations Senior Supt. Noel Manabat na ang Abra ay tahi mik na lalawigan matapos ang May 2007 elections. (Dagdag na ulat ni Joy Cantos)