DAGUPAN CITY – “Welcome to Dagupan, alagaan ang kalusugan, bawal ang dumura sa lansangan.”
Ito ang katagang mababasa ng mga bisitang papasok sa tinaguriang Bangus Capital of the World, ayon kay Councilor Jesus Canto na nagpanukala ng city ordinance na pagbabawal sa sinumang dumura sa public places sa nabanggit na lungsod.
Sa inaprobahang ordinansa ng city council, ang sinumang maaresto ng mga awtoridad ay pagmumultahin ng P300 at 24-oras na community service sa unang paglabag, habang P500 multa naman at 48-oras na community service sa ikalawang paglabag at sa ikatlong pagkakataon ay papatawan ng P1,000 plus 2-linggong community service.
Nakasaad sa Section 1 ng Ordinance # 1453-93 “Prescribing and Penalizing Acts and Omissions Inimical to Cleanliness and Sanitation, ipinagbabawal sa sinumang dumura sa mga pampublikong lugar katulad ng parke at palaruan, plaza, lansangan, palengke at kahalintulad na lugar.
Kasaling menor-de-edad ang lalabag, ay pagmumultahin ang kasamang magulang o sinumang kasamang matanda.
“Maari namang gumamit ng pirasong tissue paper para dumura saka ilagay sa basurahan,” dagdag pa ni Canto.
Kinakailangang ituwid ang kinaugaliang masamang bisyo na dumura sa lansangan dahil nalalagay sa panganib ang kalusugan ng publiko,” pahayag pa ni Canto.
Sa kasalukuyan ay nagpakalat na ng detalye at impormasyon ang mga pangkat ng lokal na pamahalaan kaugnay sa nasabing ordinansa habang nakakalat na rin ang mga awtoridad para arestuhin ang mga lalabag.