University of Baguio nasunog

FORT DEL PILAR, Ba­guio City – Tinatayang aabot sa 10,000 estud­yan­te ang naapektuhan ha­bang milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy ma­karaang masunog ang apat na palapag na gu­sali ng University of Ba­guio sa Assumption Road, Ba­guio City kahapon ng umaga.

Ayon kay UB Vice President for Finance JB Bau­tista, nagsimula ang apoy sa ilalim ng faculty office ng high school department, na isa sa oldest building na pag-aari ng mga Bautista na noon ay Baguio Technological (Ba­guio Tech) Academy may 50-taon na ang nakalipas.

Nagsimulang kumalat ang apoy bandang alas-11:30 ng umaga kaya ang libu-libong estudyante na karamihan ay mula sa ko­lehiyo na may klase sa UB’s building ay nagpa­nakbuhan palabas ng na­sabing compound, habang inaapula naman ng mga pamatay-sunog ang apoy na naapula matapos ang isang oras at kalahati. Nadamay din ang 8-pala­pag na gusali na nasa ha­rapan ng nasabing uniber­sidad at posibleng maapek­tuhan ang pag-aaral ng mga estudyante partikular na ang nursing.

Wala namang naiulat na nasugatan at nasawi sa insidente, bagaman dalawa sa mga estudyante ay hini­matay sa insidente.

Isinasailalim pa sa ma­susing imbestigasyon ng mga arson investigator ang naganap na sunog. (Artemio Dumlao at Joy Cantos)

Show comments