KIDAPAWAN CITY — Nasilat ang tangkang pagpapasabog ng mga rebeldeng New People’s Army sa itatayong farm-to-market road makaraang madiskubre ng mga kawal ng 27th Infantry Battalion ng Phil. Army ang may 50 pirasong dinamita sa hangganan ng Barangay Dela Paz sa Columbio, Sultan Kudarat at Koronadal City, South Cotabato noong Miyerkules.
Ayon kay Army Col. Ricardo Santiago, commander ng 27th Infantry Battalion, sa tulong ng mga residente ay narekober ng kanyang mga tauhan ang 100 kilong blasting caps at iba pang materyales sa paggawa ng pampasabog na itinanim ng mga rebelde. Inilagay sa selyadong cylinder ng freon gas at ibinaon sa abandonadong farm lot na pagtatayuan sana ng farm-to-market road sa naturang barangay. Napag-alamang sinemento pa ang lupang pinagbaunan ng pampasabog kaya kinailangang gumamit ng back hoe excavator para lang makuha ang mga nakatagong dinamita. (Malu Cadelina Manar)