LEGAZPI CITY – Isang retiradong kawal ng Phil. Marines na pinaniniwalaang may taglay na agimat na naisalin ng kanyang lolong namayapa ang nakaligtas sa tiyak na kamatayan makaraaang hindi tumalab ang mga bala mula sa dalawang ‘di-kilalang kalalakihan sa naganap na himalang insidente sa Lanco Business Park Compound sa Barangay Bitano, Legazpi City kahapon ng umaga.
Naganap ang insidente dakong alas-7 ng umaga habang ang biktimang si Rolando Abion, 61, ay nag-ja-jogging sa loob ng naturang compound kung saan umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril mula sa dalawang suspek na sakay sa motorsiklo na may takip ang plate no.
Napag-alamang hindi naglagos sa katawan ni Abion, ang mga bala at sa halip ay nabutas lamang ang suot nitong t-shirt at namula ang balat sa tiyan at dibdib nito.
Gayunman, sinabi ni Abion na posibleng mga rebeldeng NPA ang bumanat sa kanya.
Samantala, duda rin ang mga kamag-anak nito na posibleng naisalin ng kaniyang namatay na lolo ang agimat na pangontra sa tama ng bala noong nabubuhay pa ang matanda nang mabatid na ibig mag-sundalo ng kaniyang apo. (Ed Casulla)