CAMP CRAME – Dinukot ng mga armadong kalalakihan ang isang lider ng Kilusang Magdubukid ng Pilipinas (KMP) makaraang ransakin ang tahanan nito sa bayan ng Muñoz, Nueva Ecija kamakalawa ng madaling-araw.
Sa text message, kinumpirma ni Carl Ala, spokesman ng KMP ang pagdukot kay Franco Corpus, vice chairman ng Alyansa ng Magbubukid ng Pilipinas sa Gitnang Luzon-Nueva Ecija Chapter.
Batay sa ulat, ang mga suspect ay nagpakilalang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) nang pumasok sa tahanan ni Corpus.
Gayunman, duda naman si Ala na mga sundalo ng Army’s 71st Infantry Battalion ang nasa likod ng pagdukot kay Corpus alinsunod sa ‘bloody war‘ laban sa NPA red fighters na idineklara ni AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr.
Sinabi naman ni AFP- Public Information Office (AFP-PIO) Chief Lt. Col. Bartolome Bacarro na masyadong unfair ang nasabing paratang lalo pa’t wala naman itong basehan.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagdukot kay Corpus upang mabigyang linaw ang insidente. (Joy Cantos )