Isang coach ng isang basketball team ang nasawi habang isa pa sa mga manlalaro nito ang nasugatan matapos na paulanan ng bala ng mga pinaghihinalaang rebeldeng New People’s Army sa Isabela, Negros Occidental kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Antonio Minasalbas na maliban sa pagiging basketball team coach ay isa rin sa mga Tanod sa Barangay San Agustin sa kanilang lugar.
Ang biktima ay idineklarang dead-on-the-spot sa insidente matapos na masapul ng mga tama ng bala sa tiyan.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang kasama nitong manlalaro na si Art Molina para malapatan ng lunas.
Bandang alas-3:00 ng hapon, habang magkakasamang naglalakad ang mga biktima para maglaro ng basketball sa Brgy. San Agustin nang paulanan ng bala ng mga rebelde.
Nagawa namang makaligtas ng anim pa sa mga manlalaro matapos na mabilis ang mga itong makapagkubli.
Isa naman sa mga testigo ang positibong kumilala sa mga suspek na mga miyembro umano ng Komiteng Larangan ng NPA sa Central Negros.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na isa sa mga manlalaro ni Minasalbas ay nakaaway umano ng isang kamag-anak ng nasabing rebel group.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kasong ito. (Joy Cantos)