8 preso pumuga sa Cavite

Camp Vicente Lim, Laguna – Walong preso na pawang nahaharap sa mga kasong theft, robbery, illegal possession of drugs and weapon at estafa ang nakatakas mula sa kani­lang piitan sa Noveleta, Cavite kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Chief  Inspector Ma. Susana Delara, Noveleta police chief, ang mga pugante na sina Christian Aduan, Raymond En­riquez, Leonard Yape, Dennis Vidal, Michael Yumol, Romeo Monzon, Jeffrey Quijano at Christian Reyes.

Ani Delara, nagawa umanong tungkabin ng mga suspek ang bintanang bakal na rehas ng kanilang comfort room at doon lumusot papalabas galing sa selda ng Noveleta police station bandang alas-11:30 ng gabi.

Napansin na lang kina­launan ng duty jailguard na si SPO3 Edgardo Quiacos na nawawala ang walong preso.  (Arnell Ozaeta at Cristina Timbang)

Show comments