CAVITE – Maisasakatuparan na rin ang proyektong Solid Waste Processing Facility at Sanitary Landfill makaraang pirmahan nina Cavite Governor Ayong S. Maliksi at pangulo ng Environsave, Inc. na si Engr. Lambert L. Lee, Jr., ang Memorandum of Understanding (MOU) noong Huwebes ng Enero 24.
Ang nasabing okasyon ay sinaksihan nina Engr. Rolino Pozas ng Provincial Government-Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) at Engr. Ray E. Guillermo, manager ng Environsave, Inc., miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga hepe ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan at mga miyembro ng non-government organizations .
Base sa tala, nabahala ang mga residente dahil sa naiipong tone-tonelang basurang naiipon araw-araw kaya naman bilang tugon sa nakaambang panganib sa kalusugan, itatayo ang Solid Waste Processing Facility sa 2.1 ektaryang lupa sa Ternate, Cavite na kayang maglaman ng 800 toneladang basura mula sa mga barangay.
Magtatayo naman ng dalawang transfer station sa mga bayan ng General Trias at Carmona para sa paghihiwa-hiwalay ng mga basura bago ito idiretso sa processing facility at sanitary landfill.
Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite naman ay katulong ang mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang bayan at lungsod, ang mamamahala sa pagdadala ng mga basura, pagbabayad sa tipping fees at pagpapanatili ng kaayusan ng mga kalsada at imprastraktura patungo sa sanitary landfill. (Arnell Ozaeta)