3 kawatan ng kable sa SBMA kalaboso

SUBIC BAY FREEPORT – Tatlong kalalakihan ang inaresto ng mga operatiba ng Subic Bay Law Enforcement Department makaraang makumpiskahan ng anim na rolyo ng electrical copper wire na pinaniniwalaang ninakaw sa Kalayaan Housing area ng Subic Bay Freeport kamakalawa ng gabi.

Kabilang sa mga suspek na kinasuhan habang nakakulong ay sina Joel Flores, 40; Hernane Magbanua, 41, kapwa naninirahan sa Barangay Sabang, Morong, Bataan; at Ronnie Camacho, 27, ng Dasmariñas, Cavite.

Napag-alamang nagpapatrolya ang mobile car ng pulis-SBMA sa bahagi ng Kalayaan area nang mamataan ang Nissan Urvan van (REY-374) na nakaparada sa madilim na eskinita.

Nang usisain ang mga nakasakay sa van ay nakita ang rolyo ng mga kable ng kuryente na walang kaukulang dokumento at hindi maipaliwanag ng mga suspek kung saan  nakuha.

Sa imbestigasyon, ay natukoy na ang mga kable na nagkakahalaga ng P40,000 ay pag-aari ng SBMA na nauna ng deklaradong nawawala. (Alex Galang)

Show comments