BALANGA CITY, Bataan — Hindi sukat akalain ng isang misis na mapapaanak siya sa loob ng isang comfort room sa ikalawang palapag ng Provincial capitol habang nag-aantabay sa pagdating ni dating Pangulong Erap Estrada sa Peoples Sport Complex siyudad ng Balanga City Bataan kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Rowena Arellano, empleyada ng Sangguniang Panlalawigan at isa sa mga taong nasa loob ng CR, bigla siyang nakarinig ng isang iyak ng sanggol sa loob nito at ng kanilang buksan ang pintuan ay nakita nilang namimilipit na sa sakit ng tiyan ang ina nito.
Nang pumasok sa loob si Arellano, nabigla siya nang makita niya ang bata sa loob ng bowl kaya mabilis niya itong dinampot saka tumawag pa ng makakatulong upang dalhin ang bata sa pagamutan.
Nasa maganda nang kalagayan ang sanggol at ang Ginang sa Bataan General Hospital na lumabas na rin kahapon. Ito ang ikalawang anak ni Mrs. Evangeline Ong na inaasahan niya na sa Pebrero pa ito manganganak.
Nabatid na dinalaw muna ni Ong ng Camiling, Tarlac ang kanyang kapatid na nakakulong sa Bataan Provincial Jail habang inaantabayanan nito ang pagdating ni Estrada sa People’s Center sa Capitol compound, nang makaramdam ito ng ‘tawag ng kalikasan’ kayat umakyat ito sa SP para mag-CR dakong ala 1:45 ng hapon habang naiwan naman sa ibaba ang kanyang mister. (Jonie Capalaran)