CAMP CRAME – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang batang babaeng hinalay muna kung saan hinataw ng bato sa ulo, inukit ang mata at pinutulan pa ng mga daliri at kamay ng tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na adik sa droga sa bayan ng Milagros, Masbate kamakalawa.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, nadiskubre ang bangkay ng biktimang si Celeste Serami ng isang residente sa lugar na nangunguha ng talbos ng kang kong sa likuran ng eskuwelahan sa Barangay Bara pasado alas-7 ng umaga.
Base sa imbestigasyon, bago mapatay ang biktimang grade IV pupil, dumalo ito sa sayawan mula sa kanyang tinitirhan sa Barangay Agojo Malbog sa bayan ng Cawayan noong Linggo ng gabi kung saan pinaniniwalaang inabangan ito ng mga suspek.
Sa salaysay ng mga kaibigan ng biktima, nagpaalam sandali sa kanila ang biktima upang jumingle sa madilim na sulok sa nasabing lugar.
May teorya ang pulisya na sinunggaban ng mga suspek ang biktima saka kinaladkad sa bakanteng lote kung saan ito halinhinang ginahasa matapos tutukan ng patalim at pagbantaang papatayin.
Napag-alamang nakilala naman ang mga suspek dahil may nakakitang testigo na kinakaladkad ang biktima noong gabing maganap ang krimen.
Sa follow-up operations ng pulisya nasakote ang mga suspek na sina Rene Baes, Lolito Langurayan at Eduardo Sulat na pawang kinatatakutang adik sa kanilang lugar.