2 bangkay natagpuan sa Tagaytay

CAVITE – Dalawang kalalakihan na pinanini­walaang biktima ng summary execution ang iniulat na natagpuan sa loob ng abandonadong sasakyang nakaparada sa gilid ng highway sa Barangay Francisco, Tagaytay, Cavite kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay P/Senior Supt. Mark Edison Be­ larma, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group ng Region 4-A, natagpuan ang dalawang biktima sa loob ng isang kulay puting Asian utility vehicle (AUV) na may plakang PNT-172.

Sa inisyal na imbes­tigasyon, pinatay umano ang dalawang biktima sa pamamagitan ng pagbaril dahil sa mga natagpuang mga tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan.

Sa panayam ng PSN kay P/Supt. Danilo Morzo, hepe ng CIDG-Cavite, ang dalawang biktima ay may edad sa pagitan ng 25 hanggang 30-anyos, may bigote, nakasuot ng maong pants at sweat-shirt na kulay green at gray at pa­wang mga nakagapos ang mga kamay.

Patuloy pa rin ang im­bestigasyon ng mga pang­kat ng Scene of the Crime Operatives, Cavite CIDG at Tagaytay police para ala­min ang pagkakaki­lanlan ng mga biktima. (Tina Timbang at Arnell Ozaeta )

Show comments