CAMP CRAME – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang bodyguard ng isang vice mayor sa panibagong paghahasik ng karahasan ng mga rebeldeng New People’s Army sa Barangay Balintawak, Escalante City, Negros Occidental kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang biktima na si July Alsado Sr., ex-Citizen’s Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) at naging alalay ni Vice Mayor Santiago “Mai-Mai” Barcelona ng nabanggit na lungsod.
Batay sa ulat ng pulis-Escalante na isinumite sa Camp Crame, naganap ang pamamaslang sa likurang bahagi ng public market sa bandang alas-5 ng umaga.
Sinabi sa ulat na bago nagsitakas ng ilang rebeldeng kasapi ng hit squad ng NPA ay nag-iwan pa ito ng kalatas na ipinatong sa ibabaw ng duguang bangkay ni Alsado na nagsasabing pinaslang nila ang biktima bilang paniningil sa pagkakautang nito sa bayan.
Ayon pa sa kalatas, ang biktima ay berdugo ng mga magsasaka ng tubo sa hilangang bahagi ng Negros at bukod dito’y maraming napatay na NPA noong dekada ’90 dahil sa pagiging aktibo nito sa counter insurgency campaign ng pamahalaan.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni P/Senior Supt. Rosendo Franco, provincial police director, ang malalimang imbestigasyon sa pamamaslang laban sa bodyguard ng bise alkalde. (Joy Cantos)