OLONGAPO CITY – Dalawa-katao ang kumpirmadong nasawi habang 17 naman ang nasugatan makaraang salpukin ng delivery truck ang pampasaherong jeepney ng mga biktima sa highway na sakop ng Barangay Upper Kalakhan, Olongapo City kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga natodas ay sina Larry Bermudez, 45, drayber ng jeepney;at Joselito Collado, 27, security guard.
Dinala naman sa James Gordon Memorial Hospital ang mga sugatang sina Jubilee Diatu, Marilou Collado, Rolito Comia, Analyn Idanan, Catherine Calpito, April Mae Serdoncillo, Roberto Pedrina, Redalyn Edillor, Larry Rosales, Jonathan Mascarina, Alvin Arranosa, Elma Quijano, Mark Escano, Marilou Ordillas, Jobelyn Jesan, Victor Dela Cruz at si Louie Balintos.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulis-Gapo, lumilitaw na patungo sa Bulacan mula sa Zambales ang delivery truck (WKL-157) na minamaneho ni Narciso Luna nang salpukin nito ang kasalubong na pampasaherong jeepney (CUP-259) ni Bermudez.
Napag-alaman sa ulat ng pulisya na posibleng nakaidlip sa pagmamaneho si Luna kaya naganap ang sakuna. Kaagad namang tumakas si Luna, kasama ang dalawang pahinante na ‘di natukoy ang pagkikilanlan.