Lipa City, Batangas – Todas ang isang sarhento ng Philippine Air Force matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa panibagong karahasan na naganap sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Superintendent George Dadulo, hepe ng Lipa Police, ang biktimang si Sergeant Bryan Templo, 30, nakatalaga sa Fernando Airbase sa nasabing lungsod at residente ng Sampaguita Homes, Lipa City.
Ayon sa report, papauwi na si Templo sakay ng kanyang motorsiklo matapos mag-practice shooting sa Fernando Airbase nang tambangan at pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki sa main road ng Villa Africa Subdivision, Barangay Bolbok bandang alas-6:15 ng gabi.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan mula sa kalibre .45 baril ang biktima. Mabilis namang nakatakas ang mga suspek sa ‘di-pa malamang direksyon sakay ng isang motorsiklong walang plaka.
Gayunman, iniulat kinalaunan ni Dadulo na nadakip na sa Lemery, Batangas ang mga suspek na sina Romnick Reyes, 19, at Christian Flores, 23. (Arnel Ozaeta)