Sinalakay saka sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang isang minahan at military detachment sa magkahiwalay na insidente ng karahasan sa bayan ng Tampukan, South Cotabato kahapon ng madaling-araw.
Base sa ulat na isinumite sa Camp Crame, sa kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon nang lusubin ng mga rebeldeng kasapi ng NPA Front Committee 76 ang Saguittarius Mining Inc. sa Barangay Tablu, Tampukan.
Agad na sinunog ng mga rebelde ang tatlong gusali ng nasabing minahan at isinunod naman na salakayin at sunugin ang detachment ng militar sa nasabi ring barangay.
Walang nagawa ang mga security forces sa naganap na pagsalakay ng NPA makaraang bihagin ang kanilang chief security.
Pinakawalan rin ng mga rebelde ang nasabing security chief bago mabilis na nagsitakas patungo sa direksyon ng pinagkukutaan ng mga ito sa kabundukan.
Nabatid na ang sinalakay na minahan ay isa sa may pinakamalaking deposito ng copper sa Asya.
Ang insidente ay sa kabila ng inoobserbahang huling mga araw ng ceasefire na idineklara ng NPA mula Disyembre 31 hanggang kahapon. (Joy Cantos)