Kawani ng travel agency dinedo ng 2 sikyu

ORMOC CITY – Isang kawani ng travel agency na magdiriwang ng Kapaskuhan sa kanyang pamilya sa Cebu  City ang iniulat na pinaslang ng dalawang sikyu ng private port na pag-aari ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia noong gabi ng Lunes sa Barangay Punta ng nabanggit na lungsod.

Kinilala ni P/Senior Insp. Federico Sanchez, hepe ng PCP3, ang biktima na si Felipe Sacay III y Rosal, 31, may asawa, ng World Vision sa Brgy. Linao at employee ng Cinderella Travel and Tours at money changer sa Cebu City.

Sumuko naman ang mga suspek na sina Jimmy Tupil y Pialogo, 33, ng Sitio Laray, Brgy. Boroc at Omaldo Pernis y Espe, 48, ng Brgy. Tambulilid na kapwa security guards ng GGC security agency na pag-aari ni Gov. Garcia.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Roel Yanuario, ang biktimang sakay ng motorsiklo ay nasagi si Tupil na nag­lalakad sa gitna ng kalsada sa port at nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa magpambuno.

Dahil sa mas malaki ang biktima kay Tupil ay natalo ito sa sun­tukan kaya humingi ng saklolo sa kasamahang sikyu na si Pernis.

Agad naman sumaklolo at pinagbabaril ni Pernis ang biktimang duguang bumulagta. Ayon sa ilang saksi sa krimen, nakabulagta na ang biktima ay pinagbabaril pa ni Tupil. Pormal naman kakasuhan ang mga suspek habang nakakulong. (Roberto Dejon)

Show comments