Sinakmal ng matinding takot ang nailigtas ng rescue team na 25 estudyante matapos ma-trap sa ere sa Space shuttle na kanilang sinasakyan sa Enchanted Kingdom Park sa Sta. Rosa, Laguna kamakalawa ng hapon.
Batay sa ulat, nag-field trip ang mga estudyante sa Enchanted Kingdom kung saan ay nagkatuwaan ang mga itong sumakay sa Space Shuttle na may 11 storey ang taas ng maganap ang insidente bandang alas-5:30 ng hapon.
Ang space shuttle ay isang uri ng roller coaster ride sa mga carnival na biglang aakyat at baba sa ere.
Ang mga estudyante ay mula sa University of Batangas sa Batangas City; Holy Infant Jesus of Prague Catholic School sa Biñan, Laguna at Felizardo Lipana National High School sa Guiguinto, Bulacan.
Sa kasagsagan ng pag-ikot ng nasabing ilang talampakan ang taas na Space Shuttle ay bigla itong tumirik sa ere sa gitna ng katuwaan ng mga estudyante kung saan marami sa mga ito ay nakabaligtad ang posisyon.
Hindi naman maipaliwanag ng mga batang mag-aaral ang takot na naramdaman matapos tumigil bigla sa taas ang space shuttle na kanilang sinasakyan.
Bunga nito ay mabilis namang nag-kordon sa lugar ang mga security officers at maging ang crane ng Manila Electric Company sa lugar ay dumating para tumulong sa pagliligtas sa mga bata.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan kung teknikal ang naging problema o human error ang naging sanhi sa pagtirik ng nasabing space shuttle.
Sa tala ito ang ikalawang pagkakataon na tumirik ang nasabing Space shuttle sa Enchanted Kingdom matapos na mangyari na rin ito noong Hunyo 20, 2004 habang lulan ang 25 bata. (Joy Cantos)