Sinisilip ngayon ng mga awtoridad ang alyansa sa pagitan ng vice mayor at aktibistang grupong may ugnayan naman sa mga rebeldeng New People’s Army sa motibo ng pamamaslang noong Biyernes ng hapon sa naturang opisyal ng local na pamahalaan ng Dimasalang, Masbate.
Ito ang nabatid makaraang lumutang na posibleng alitan sa pagitan ng ilang opisyal ng lokal na pamahalaan at military kaya pinaslang si Dimasalang Vice Mayor Regolo Moran.
Si Moran ay pinagbabaril ng isang ‘di-kilalang lalaki na naglakad lamang sa pasilyo ng munisipyo ng Dimasalang kung saan dalawa sa mga staff ng nasabing opisyal ang nasugatan at idineklarang nasa kritikal na kondisyon.
Nabatid na ang biktima na pinaniniwalaang kaalyado ng mga militanteng grupo at bunga nito ay nakaalitan ng ilang opisyal ng militar sa kanilang lalawigan kaugnay na rin ng counter-insurgency operation ng pamahalaan.
Lumilitaw pa sa imbestigasyon na ang nasabing opisyal ay nakatakdang magtalumpati sa programa ng mga lokal na aktibistang grupo sa kanilang bayan nang paslangin. Joy Cantos at Ed Casulla