ZAMBALES – Sumuko na sa mga awtoridad ang dalawang pulis na miyembro ng 315th Provincial Mobile Group na pinaniniwalaang sangkot sa pagpaslang sa isang sibilyan at pagdukot sa dalawang iba pa noong Huwebes ng gabi sa Barangay Calapacuan, Subic, Zambales. Pormal na inihatid kahapon ni P/ Insp. Jelson Dayupay sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Subic, ang dalawang suspek na sina PO1 Mohadjar Tutuh at PO1 Rogeric Antolin. Sina Tutuh at Antolin ay itinuturong bumaril at nakapatay kay Randy Vitug at pagdukot kina Joselito Camales, 46, ng Purok 4, Barangay Calapacuan at sa isa pang lalaki. Base sa ulat ng Zambales Provincial Police Office, ang dalawang suspek ay nagsagawa ng operasyon sa bilyaran na pag-aari ng pamilya Camales dahil sa paniniwalang bentahan ng droga. Ayon pa sa ulat, isa sa pinuntirya ng mga suspek si Vitug base na rin sa pahayag ng mga nakasaksi. Kinuwestiyon naman ng pulis-Subic ang operasyon ng dalawang pulis kung ito ay lehitimong drug-bust operation dahil walang ginawang koordinasyon sa kanilang presinto. Jeff Tombado