CAMP VICENTE LIM, Laguna — Isa na namang holdapan ang naganap sa Cavite kung saan napatay ang isang 57-anyos na negosyante ng tatlong kalalakihang sakay ng motorsiklo matapos mag-withdraw ng malaking halaga sa bangko ang biktima sa bayan ng Imus kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Supt. Ulysses Cruz, Imus police, ang biktimang si Francisco Flores, may-ari ng isang glass and aluminum installation business at residente ng Camella 3 Homes sa Bacoor, Cavite.
Ayon sa ulat, sakay si Flores ng kanyang Honda Civic (WAR-678) at binabagtas ang kahabaan ng General Emilio Aguinaldo Highway sa Barangay Palico, Imus, Cavite nang harangin siya ng tatlong armadong kalalakihan bandang alas-9:45 ng umaga
Tinutukan ng baril ang biktima at hiningi ang kanyang bag na may lamang P90,000, pero tumanggi ito na nagbunsod para barilin siya ng mga holdaper.
Matapos ang pamamaril, inagaw ang bag ng biktima bago nagsitakas ang mga holdaper sakay ng motorsiklo patungo sa ’di-pa ma lamang direksyon.
Itinakbo si Flores sa Imus Medical Center pero namatay din ito habang ginagamot sa tinamong apat na tama ng bala sa kanyang katawan.
“Iisa ang modus operandi ng holdapan dito, aabangan nila ang mga customer ng bangko na nag-withdraw ng pera tapos susundan nila para holdapin” ani Cruz sa PSN.
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang mga residente ng Imus dahil naganap ang panghoholdap ilang metro lang ang layo sa Camp Pantaleon Garcia, ang provincial headquarters ng PNP sa Cavite.