CAMP AGUINALDO — Kumpirmadong namatay ang isang pilotong sakay ng pribadong spray plane makaraang bumagsak sa bulubunduking bahagi ng Barangay Mangayon sa bayan ng Compostela, Compostela Valley kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Senior Supt. Anselmo Simeon Pinili, hepe ng Police Regional Office (PRO) 11 Operations and Planning Division, ang biktima na si Capt. Mario Reyes. Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na bigla na lamang nagloko ang makina ng Turbo Thrush aircraft na may registry number PRC–R2827 na nasa ilalim ng superbisyon ng Air Track Aviation Corporation at pag-aari ng SUMIFRU. Ang nasabing spray plane ay nagi-spray ng fungicides sa Banana Plantations na pag-aari ng Compostella Plantations Inc (CPI) Fresh Banana Agricultural Corp (FBAC) at ng Davao Fruits Corporation (DFC) ng maganap ang insidente. “May foggy dito sa area, poor visibility ,nahihirapan ako,” ayon sa biktima na humingi ng tulong bago tuluyang bumagsak at tumama sa mga punongkahoy sa kabundukan ang naturang spray plane. Isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng tanggapan ng Air Transportation Office (ATO) Aviation Safety Division upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagbagsak ng nasabing plane. (Joy Cantos)