KIDAPAWAN CITY — Halos mawasak ang ulo ng dating bise-gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) makaraang lumipad at magpagulung-gulong ang sasakyan nito sa may highway ng Iligan-Cagayan de Oro sa bayan ng Gitagum, Misamis Oriental, kahapon umaga.
Ayon sa ulat, mabilis ang tinatahak ng luxury car kung saan sakay si ex-ARMM Vice-Governor Mahid Mutilan, patungo sa paliparan sa Cagayan de Oro City para sa biyaheng Maynila nang nawalan ng preno ang sasakyan.
Malubha naman ang kalagayan ng driver na tinukoy lamang sa pangalang Kasan at isang escort na kasama ng maganap ang insidente.
Si Mutilan na naging regional secretary ng DepEd-ARMM at tatlong termino bilang gobernador ng Lanao de Sur ay nagtamo ng malalim na sugat sa ulo at paa at binawian ng buhay habang ginagamot sa Cagayan de Oro Medical Center.
Kinumpirma ni Atty. Pa isalin Tago, speaker ng Regional Legislative Assembly ng ARMM, ang trahedyang kinasangkutan ni Mutilan.
Ayon kay Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, si Mutilan na naging dating opisyal ay co-convenor ng Bishops -Ulama Conference at pinuno ng Ulama League of the Philippines bago pumalaot sa pagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao Region.
Si Dureza rin ang personal na tumulong upang kunin sa hospital at ibalik ang mga labi ni Mutilan sa Lanao del Sur para mailibing sa loob ng 24 oras alinsunod sa tradisyon ng mga Muslim. (Malu Manar at Joy cantos)