CAMP CRAME – Isang Pastor na Briton ang pinangangambahang kinidnap ng sindikato kung saan napaulat na nawawala may isang linggong na ang nakalipas sa bahagi ng Bukidnon, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang biktima na si Pastor David Brass ng Baptish Church na nanunuluyan naman sa Barangay Libertad, Butuan City, Agusan del Norte.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP chief Director General Avelino Razon Jr., ang biktima ay hindi na nakabalik simula ng magtungo sa Bukidnon noong Huwebes ng Nobyembre 22.
Napag-alamang nagpaalam pa ang biktima sa asawa nitong si Analyn na bibisita lamang sa bahay ng isa nitong kaibigan sa Bukidnon, subalit simula noon ay hindi na ito nakita pang muli.
Sinubukan din ni Analyn na tawagan si Brass sa celfone nito subali’t hindi nito sinasagot.
Gayon pa man, sa kabila nito ay wala pa namang natatanggap na ransom demand ang pamilya ni Brass mula sa pinaniniwalaang mga kidnaper na nag-ooperate sa Bukidnon.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang naglunsad na rin ng search and rescue operations sa nasabing dayuhan. (Joy Cantos)