Bangkay na walang ulo nasa fish trap

Bacolod City — Isang katawan ng isang tao na walang ulo ang natagpuan ng isang mangingisda sa isang fish trap na tinatawag na Tangkop sa E.B. Magalona, Negros Occidental noong Martes.  Hini­ hinala ng pulisya na biktima ng salvaging ang biktima.  Nabubulok na ang bangkay nang matuklasan ni Baran­gay Panaosawon Councilman Harlo Arcangel. Sinabi ng pulisya na, bukod sa pinugutan ng ulo, pinutol din ang kaliwang kamay ng biktima at may mga sugat ng taga ang mga hita nito. May suot na jogging pants ang biktima. (Antonieta B. Lopez)

Biyuda dedo sa road mishap

LEGASPI CITY — Isang biyuda ang nasawi at nasa malubha naman na kalagayan ang binatang anak nito matapos na sumimplang ang motorsiklo na sinasakyan ng mga ito sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Salugan, Camalig, Albay kahapon ng madaling araw. Nakilala ang hindi na umabot pa ng buhay sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital ang biktima na si Norme Domingo 53. Nasa malubhang kalagayan ang anak niyang si Walter, 20, binata, driver at kapwa residente ng naturang lugar. (Ed Casulla)

Logging firm nilusob ng NPA

Sinalakay ng  70 hinihinalang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army  ang  isang logging firm na nagresulta sa ilang oras na putukan sa pagitan ng komunistang grupo at ng grupo ng mga militia men sa Talacogon, Agusan del Sur kamakalawa ng gabi.

Batay sa report , dakong alas-10:20 ng gabi ng ma­ganap ang pag-atake ng NPA sa Provident Tree Farm sa Purok 5, Brgy. Zillovia sa naturang munisi­palidad.

Ang sumalakay na mga  rebelde ay nakabarilan ng nagrespondeng mga elemento ng Citizen’s Armed Forces Geographical Unit (CAFGU ) sa ilalim ng 23rd Infantry Battallion Cadre Company na nagbabantay sa nasabing logging firm.

Bunga nito ay nagkaroon ng ilang minutong putu­kan sa pagitan ng magkabilang panig hanggang sa magsitakas ang mga rebelde patungo sa direksyon ng kagubatan.

Pinaniniwalaan namang marami ang nasugatan sa hanay ng mga rebelde base sa mga patak ng dugo na nakita sa lugar na dinaanan ng mga ito sa pagtakas.

Narekober sa lugar ang mga basyo ng 40 MM grenade launcher, isang hindi pa sumasabog na Improvised Explosive Device na pag-aari ng grupo ng mga nagsitakas na rebelde. (Joy Cantos)

Show comments