KIDAPAWAN CITY — Pormal na kinasuhan ang dalawang kalalakihang nasakote ng pulisya kaugnay sa pagpapasabog sa KMCC Mall na ikinasawi ng isang sibilyan at ikinasugat naman ng walo-katao sa Kidapawan City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Chief Insp. Leo Ajero, hepe ng Kidapawan City PNP, ang mga suspek na sina Hassan Mahaliden Sulaik, 19, ng Barangay Nuangan, Kidapawan City at Alex Takulin Sanduyugan, 20, ng Barangay Rajamuda sa bayan ng Pikit, North Cotabato.
Ayon kay P/Chief Supt. Felizardo Serapio, regional police director sa central Mindanao, isa sa mga pruweba na ginamit nilang ebidensiya laban sa dalawa ay ang narekober nilang baggage tag mula sa isa sa mga suspek dahil ang improvised explosive device ay isinilid sa plastic bag saka iniwan sa baggage counter ng KMCC Mall.
Nakumpiska sa bahay ng mga suspek sa Brgy. Nuangan ang sampung kilo ng ammonium nitrate at tatlong piraso ng 15-volt na baterya na naka-convert bilang improvised electric tester.
Ayon sa pulisya, ang motorsiklo na ginamit ng mga suspek na namataan ay nasa watchlist ng Task Force Cotabato, isang joint task group ng 602nd Infantry Brigade ng Philippine Army at ng PNP.
Gayon pa man, kapwa pinabulaanan ng mga suspek ang akusasyon laban sa kanila.
Ayon kay Sulaik, kaya siya naroon sa lugar ay dahil susunduin niya ang kanyang girlfriend na nagtatrabaho bilang saleslady ng KMCC Mall.
“Malinis ang konsiyensiya namin. Wala kaming intensiyon na manakit ng kapwa namin,” dagdag pa ni Sulaik.
Sa rekord ng pulisya, si Sulaik ay kamag-anak ng isa sa mga suspected bomber na inaresto sa Tacurong City noong Agosto. 2007.
Samantala, sinabi ni Kidapawan City Mayor Rodolfo Gantuangco, ilang oras bago pasabugin ang KMCC Mall, isang tawag sa telepono ang kanyang natanggap kaugnay sa pangingikil ng P.5 milyong protection money kada buwan mula sa lider ng grupong Alcubar.
At kapag hindi nakapagbigay ng malaking halaga ay pasasabugin ang KMCC Mall kaya agad na inalerto ang pulisya subalit bago pa makordon ang nasabing mall ay umalagwa ang malakas na pagsabog.