Ama napatay ng anak

ORMOC CITY – Rehas na bakal ang naging tahanan ng isang anak na lalaki makaraang mapatay nito ang sariling ama sa Purok 4, Barangay Catmon, Ormoc City, Leyte noong Linggo ng gabi.

Pormal na kinasuhan ng mga operatiba ng PCP2 sa pamumuno ni P/Senior Insp. Niel Montaño, ang suspek na si Ildefonzo Jr. y Paton-og, 28, binata habang na­matay naman ang biktimang si Ildefonzo Villamor y Sa­belino, 60, magsasaka at kapwa residente ng na­banggit na barangay.

Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon ni SPO3 Nestor Sicsic, naganap ang insidente sa likurang ba­kuran ng bahay kung saan inawat ng suspek ang sa­riling amang lango sa alak at may hawak na baril.

Ayon sa suspek, inagaw niya ang baril sa ama para mapigilan itong manakit ng iba kaya nagpambuno ang mag-ama hanggang sa pu­mutok ang baril at tinamaan ng bala sa ibabang bahagi ng tenga na lumagos sa ka­liwang ulo ng biktima.

Sa salaysay ng ilang kapitbahay, lumilitaw na kalimitang lango sa alak ang biktima at naghahamon ng away kahit walang dahilan. Pinag-iisipan pa ng pamilya ng mag-ama kung kaka­suhan ang suspek na nga­yon ay nakakulong sa PCP2.  (Roberto C. Dejon)

Show comments