BANGUED, Abra – Nagmistulang kinatay na baboy ang katawan ng isang 75-anyos na ama matapos pagtatagain ng sariling anak noong Sabado ng hapon sa Barangay Lun-Luno sa bayan ng Luba, Abra.
Ayon kay P/Senior Supt. Alex Pumecha, provincial police director, nagkagutay-gutay ang katawan ng biktimang si Blas Tibnagen, biyudo, samantalang animo’y balewala ang isinagawang krimen ng suspek si Villamor Tibnagen na kapwa naninirahan sa nabanggit na barangay.
Sinabi ni Pumecha na agad sumaklolo ang mga tauhan ng 1601st Police Mobile Group, subalit patay na ang biktima habang hindi naman kaagad inaresto ang suspek dahil sinisikap ng mga council of elders sa kanilang barangay na ayusin na lang ang kaso.
Napag-alamang bago maganap ang pamamaslang, lumilitaw na may record na ang suspek na may kapansanan sa pag-iisip dahil nagtangka na rin itong magpakamatay, subalit naagapan lamang ng kanyang mga kapitbahay. Myds Supnad