Diarrhea outbreak: 3 dedo, 300 naospital

CAMP AGUINALDO –Tatlo-katao ang naitalang nasawi samantalang aabot naman sa 300 sibilyan ang iniulat na naospital dahil sa epidemya ng diarrhea sa dalawang bayan ng  Northern Samar, ayon sa ulat kahapon.

Kasabay nito, nagdek­lara na rin ng state of calamity ang lokal na pama­halaan sa mga bayan ng Gamay  at Lapinig matapos na umabot na sa daang katao ang apektado ng diarrhea outbreak. Sa ulat na tinanggap kahapon ng Office of Civil Defense, pi­naniniwalaang konta­mi­nado ang pinagkukunan ng inuming tubig ng mga residente kaya naapek­tuhan ang kanilang kalu­sugan.

Sa isang radio interview kay Gamay (dating Damya)  Mayor Timoteo Capoquian  ang pagdedeklara ng state of calamity ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga lokal na opisyal na ma­kakuha ng emergency funds para ipambili ng mga gamot na maipapamahagi sa mga apektadong bayan.

Kabilang sa naitalang namatay na residente ay dalawa sa bahay at isa naman sa ospital na pa­wang inaalam ang pagkiki­lanlan.

Ayon kay Capoquian, aabot sa 300 residente ang apektado ng diarrhea kung saan ay humingi na rin ng tulong sa mga doktor mula sa kanugnog na  lungsod ng Catbalogan  para maka­bili ng ‘intravenous fluids” sa Catarman, Samar.

Samantala, hindi na magkasya ang mga pas­yenteng may diarrhea sa ilang lokal na hospital dahil umabot na sa 64 pasyente.

Kaugnay nito, nagpa­dala na kahapon ang Mala­cañang ng mga medical supplies at dextrose sa mga bayang tinamaan ng diarrhea sa Northern Sa­mar

“Dinala ng helicopter ang mga dextrose and medical supplies para mapadali ang pagbibigay sa mga apektadong resi­dente,”sabi ni Presidential Management Staff na si Cerge  Remonde.

Napag-alaman ng Pa­ngulo, ang diarrhea outbreak noong Biyernes ng gabi nang bumisita ito sa Eastern Visayas region.

Show comments