CAMP CRAME – Brutal na kamatayan ang sinapit ng tatlong miyembro ng pamilya habang tatlong iba pa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang ratratin ng mga ‘di-kilalang kalalakihan sa naganap na panibagong karahasan sa bayan ng Ganassi, Lanao del Sur kamakalawa. Kabilang sa mga biktimang pinaslang ay sina Amanodin Marohum, 20; Danny, 12; at si Oly Marohum, 2; habang patuloy namang isinasalba ang buhay nina Kokolum, 45; Saddam, 19; at Baria, 39. Sa ulat na tinanggap kahapon ng Camp Crame, bandang alas-5:30 ng hapon matapos na pasukin at pagbabarilin ang mga biktima sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Masolun, Ganassi. Ayon sa ulat ng pulisya, nakilala naman ang isa sa mga suspek na si Omar Salic na ngayon ay tugis ng pulisya. Joy Cantos