MALOLOS CITY, Bulacan — Habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ng mababang korte laban sa dating hepe ng Bulacan Crime Laboratory makaraang mapatunayang nagbenta ng bawal na droga noong Enero 2006 sa Barangay Sto. Rosario, Malolos City, Bulacan. Sa 39-pahinang desisyon ni Judge Albert R. Fonacier ng Malolos Regional Trial Court Branch 76, hinatulan ng habambuhay na may kalapit pang 12-taong pagkabilanggo ang akusadong si Samuel Estrope y Tanghal. Bukod sa dalawang hatol ay pinagbabayad pa ang akusado ng P.8 milyon bilang multa sa nagawang krimen. Sa record ng korte, si Estrope ay nadakip sa isinagawang drug-bust operation ng mga tauhan ng Provincial Drug Enforcement Group sa nabanggit na barangay na nagresulta para makakumpiska ng 4.5 gramo ng shabu ang akusado ay natanggal sa serbisyo noong 2001 matapos masampahan ng kasong administratibo dahil sa pagkawala ng mga ebidensyang droga sa kanyang dating tanggapan na nasa kanyang pag-iingat. Hindi pinanigan ng korte ang alibi ng akusado na frame-up lamang ang pagkakadakip sa kanya at planted ang shabu. Binalewala rin ng korte ang alibi ng akusado na sinaklolohan lamang niya ang isang Pipo Aldaba subalit hindi naman naiprisinta ito para tumestigo at ipagtanggol siya. Dino Balabo