CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Dalawang pulis ang iniulat na nasawi habang dalawang iba pa ang nasugatan makaraang makipagsagupaan sa mga rebeldeng New People’s Army na nagtangkang lumusob sa munisipyo ng San Juan sa Masbate kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Baligi Agnanayon Tira, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na sasalakayin ng mga rebelde ang nasabing munisipyo.
Kaagad naman kumalat ang pinagsanib na puwersa ng pulisya at nagsimulang sumiklab ang bakbakan bandang alas-11 ng umaga sa Barangay San Pedro may ilang kilometro na lamang ang layo mula sa nasabing munisipyo.
Maging si Mayor Zenaida Lazaro ay humingi na ng tulong sa tropa ng 9th Infantry Division ng Phil. Army na kaagad naman nagpadala ng mga sundalo sakay sa apat na helicopter para suportahan ang mga pulis laban sa mga rebeldeng pinamumunuan ng isang Rodolfo Magistrado, alyas Matutina.
Ayon sa ulat, namatay sa unang bukso ng putukan sina P/Insp. Francvo Andes at SPO1 Hernani Enriquez habang sugatan naman sina SPO1 Allan Villamor at SPO1 Hermogenes Laurio. (Ed Casulla)