2 shabu lab ni-raid; 7 arestado

CAMP VICENTE LIM, Laguna  – Pito-katao ang ini­ulat na naaresto matapos salaka­yin ng pinagsanib na elemento ng Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Laguna PNP ang dalawang bahay na pinaniniwalaang shabu lab sa magkaratig na bayan ng Sta.Cruz at Pagsan­jan, Laguna kahapon ng umaga.

Sumasailalim na sa ma­susing interogasyon ang mga suspek na sina Soon Foo Goon, isang  Singaporean at Chin Soon Goon, Malaysian national na tumatayong mga chemist; Jameson Go Ang,  Tou Heoung, residente ng Macau; Cosami Datimbang Panarabon ng Marawi City; Abdul Gaffar Bonsa­langan ng Taguig City at si Bruce Este­ban Ong, alyas Michael Tan, tu­matayong leader ng grupo.

Ayon kay P/Senior Supt. Benjie Magalong, director for Special Enforcement Service ng PDEA, nilusob ng mga awtoridad ang lumang bahay na ginawang shabu lab sa #143 Langka St. Barangay Pagsa­witan, Sta. Cruz at tumambad ang milyong ha­laga ng kemikal sa paggawa ng shabu (methamphetamine hydrochloride) at naaresto ang anim na suspek.

Kasunod nito,  sinalakay din ang bahay sa loob ng Paradise Resort sa Barangay Pinag­sanjan, Pagsanjan, Laguna at naaresto naman si Ng Tou  Heoung at narekober naman ang ilang drug production equipments.

Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Jaime Sa­lazar ng Quezon City Regional Trial Court Branch 103, isina­gawa ang raid matapos ang mahabang surveillance operation laban sa grupo.

Nakumpiska ng pulisya ang hydrochloric acid, sodium hydroxide, barium sulphate, ephedrine, red phosphorous, theonyl chloride, Iodine, Methanol, Ethanol, iodized salt at mga equipments na hydrogenated pump, receiving flash, hydrogen cylinder, centrifuge at dryer, kotseng Mitsubishi Lancer (HAZ-343) at isang Honda CRV na walang plaka.

Ayon sa imbestigasyon, nag-umpisa ang operasyon ng grupo noong June 2007 na minamantina ng negos­yan­teng si Ben Ong at isang alyas “Atsay” na isa namang Taiwanese. Arnell Ozaeta , Joy Cantos at Ed Amoroso

Show comments