CAMP CRAME – Tatlong nanalong barangay bet kabilang ang dalawang barangay chairman ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga ‘di-kilalang kalalakihan sa naganap na magkahiwalay na karahasang may kaugnayan sa katatapos pa lamang na barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Northern Samar at Sultan Kabunsuan kamakalawa.
Sa ulat na tinanggap ng Camp Crame, kabilang sa mga biktimang napaslang ay sina re-elected Barangay Chairman Marco Anquillo, Barangay Chariman Samsudin Lumbos at Barangay Kagawad Roger Reyes.
Napag-alamang sina Anquillo at Reyes ay nagbubunyi pa sa pagkapanalo sa barangay elections nang lapitan at ratratin sa kahabaan ng highway na sakop ng UEP Zone 2 sa bayan ng Catarman, Northern Samar.
Samantala, Ayon kay P/Supt. Ismail Ali, provincial police director, bandang alas-11:30 naman ng gabi noong Lunes nang harangin at pagbabarilin ang bagong proklamang si Chairman Samsudin Lumbos ng Barangay Balut, Sultan Mastura, Sultan Kabunsuan.
Ayon sa imbestigasyon, papauwi na si Lumbos matapos na iproklamang nanalong kapitan nang tambangan sa madilim na bahagi ng naturang lugar malapit sa Balut Sultan Mastura Municipal Hall.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa noo at sa dibdid ang biktimang tumalo sa re-electionist ng Barangay Balut.
Sa tala ng PNP, tumaas na sa 53 bilang ng karahasan na may kaugnayan sa barangay eleksyon na naitala sa katatapos na halalan.
Sa naturang bilang, 38 ang insidente ng pamamaril, isa ang kaso ng abduction, apat ang pananambang, dalawa ang arson, isang ballot snatching, dalawang pagsalakay ng New People’s Army at tatlong iba pang uri ng karahasan.
Umabot naman sa 29-katao ang napatay sa karahasan na kinabibilangan ng anim na kandidato sa pagiging kapitan ng barangay, apat na kandidato sa pagka-barangay kagawad, siyam na incumbent barangay officials, tatlong kawani ng local na pamahalaan at pitong supporters.
Umabot naman sa 24 ang sugatan dahil sa mga karahasang may kinalaman sa mahigpit na labanan sa pulitika.
Idineklara naman ang failure of elections sa 103 barangay na ang karamihan ay matatagpuan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.