Eleksyon sa 3-barangay naantala

CAMARINES NORTE  – Naantala ng ilang oras bago makaboto ang mga residente ng tatlong barangay sa Calaguas Islands sa bayan ng Vinzons makaraang hindi makatawid sa dagat ang mga mangangasiwa ng ba­rangay at Sangguniang Kabataan elections kahapon.

Ayon kay Fr. Francisco Gan, parish priest ng  Our Lady Of Peace and Good Voyage, bandang alas-11 ng umaga nang pasimulan ang eleksyon sa mga Barangay Ba­nocboc, Mangkawayan at Pinagtigasan.

Napag-alamang hindi kaagad makatawid ang mga guro at kawani ng Comelec na may dalang balota at listahan  ng mga bo­tante dahil sa malakas na hangin at malalaking alon na lubhang mapanganib kung  ipagpipilitang sumakay ng bangka patungo sa nasabing mga barangay.

Agad namang humingi ng tulong si Councilor Ric Palacio Jr. sa Philippine Air Force na nakabase sa Legaspi City kaya nagamit ang dalawang chopper upang maihatid ang mga  kagamitan at mga guro. 

Samantala, sa bayan ng Daet, may ilang residente ang hindi bomoto at mas minabuti pang maglinis ng mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay  para sa nalalapit na Undas. (Francis Elevado)

Show comments