Nabitag ng pinagsanib na mga elemento ng Police Anti-Crime Emergency Res ponse at Armed Forces of the Philippines–Joint Special Operations Group ang itinuturing na isa sa most wanted kidnapper sa bansa na kasapi ng notoryus na Waray-Waray kidnap-for-ransom gang sa operasyon sa lalawigan ng Tarlac kamakalawa.
Sa press briefing sa Camp Crame, iprinisinta ng mga opisyal sa pangunguna nina PNP Deputy Chief for Operations P/Deputy Director Gen. Reynaldo Varilla at Sr. Supt. Edgar Iglesia, Deputy Chief ng PACER ang suspek na si Ronaldo Rejuso, 48, magsasaka/driver at tubong Aruroy, Masbate at naninirahan sa Brgy. Cabugbugan, Sta. Ignacia, Tarlac.
Ang suspect ay may patong na P300,000 sa ulo at pang-11 sa most wanted kidnapper na nahulog sa kamay ng batas.
Ayon kay Varilla, ang grupo ni Rejuso ay aktibong kumikilos sa Metro Manila at iba pang lalawigan sa Region 3 at Region 4 A.
Nabatid na si Rejuso ay nasakote ng mga awto ridad, dakong alas-10:30 ng umaga sa tahanan nito sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Maria Nena Santos ng Regional Trial Court Branch 171 ng Valenzuela City kaugnay ng kasong murder at frustrated murder.
Sinabi ni Varilla na ang suspek ang responsable sa bigong kidnapping sa Choa brothers nasina Shermon at Sichuang noong nakalipas na Hulyo 12, 2005 sa Lawang Bato ng lungsod ng Valenzuela. Joy Cantos