RIZAL – Naaresto kahapon ng mga operatiba ng pulisya, ang isa sa dalawang pangunahing pumatay kay Abra Representative Luis Bersamin Jr. matapos na masakote ito sa kanyang pinagtataguan sa Barangay Pinugay, Antipolo City, Rizal.
Ayon kay P/Senior Supt. Freddie Panen, Rizal police director, dakong alas-6:30 ng umaga nang salakayin ang pinagtataguan ng suspek na si Suny Taculao sa Sitio Corazon De Jesus ng nasabing barangay.
Ayon kay Panen, si Taculao ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Lydia Querubin-Layosa ng Quezon City Regional Trial Court 4th Branch 217.
Tugis naman ng pulisya ang isa pang suspek na may warrant of arrest din na nakilalang si Vice Mayor Freddie Dupo ng La Paz, Abra, na nakapuga sa pinagtataguan nito matapos na salakayin ng mga awtoridad.
Matatandaang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga suspek si Rep. Bersamin sa bukana ng Mt. Carmel Church sa Doña Juana Rodriguez St, New Manila, Quezon City noong Disyembre 16 ng hapon matapos na dumalo sa kasal ng isang kamag-anak.
Bukod kay Bersamin ay napatay din ang bodyguard nitong si SPO1 Adolfo Ortega. Edwin Balasa