KIDAPAWAN CITY – Naagapan ang isa na namang matinding pagsabog sa bahagi ng Region 12 makaraang madiskubre ang isang itim na bag na naglalaman ng tatlong bala ng mortar na may timing device malapit sa plaza ng Tacurong City, Sultan Kudarat kahapon ng umaga.
Sa ulat ni P/Supt. Joel Limson na isinumite kay P/Chief Supt. Felizardo Serapio Jr., ang bomba na nakakabit sa digital clock ay itinanim sa ilalim ng punongkahoy malapit sa stall ng ukay-ukay sa may JC Avenue.
Natagpuan ito ni Julian Decolongon, isang helper sa ukay-ukay stall na pag-aari ni Joselito Baylon ng Barangay New Isabela, Tacurong City.
Sinasabing ang bomba ay nakatakdang sumabog sa pagitan ng alas-8 hanggang 9 ng umaga na itinaon sa selebrasyon ng Market Day ng Tacurong City kahapon.
May teorya ang mga awtoridad na mga teroristang Jemaah Islamiyah ang nasa likod ng tangkang pagpapasabog at ito ang pangatlong bomb attempt sa Central Mindanao simula nang maganap ang malakas na pagsabog sa Kidapawan City noong Oktubre 5.
Ayon sa isang Army intelligence officer, ang bomba na natagpuan sa Tacurong City ay katulad lang ng mga bombang pinasabog sa public market sa bayan ng Pikit, North Cotabato noong Oktubre 6 at sa isang restaurant sa bayan ng M’Lang, North Cotabato noong Oktubre 14.