RIZAL — Napaslang ang isang 46-anyos na negosyante makaraang pagtulungang tagain ng dalawang senglot na lalaki na tenant ng biktima makaraang magtalo sa bayad sa paupahang bahay kamakalawa ng gabi sa bayan ng Taytay, Rizal.
Animo’y kinatay na alagang hayop ang katawan ni Jeorge Capunitan ng Sitio Malabon, Botong Dalig, Barangay, San Juan ng nabanggit na bayan.
Samantala, arestado naman ang isa sa dalawang suspek na si Edwin Jamig, 32, habang pinaghahanap ng pulisya ang kinakapatid nito na si Edilberto Ramos, 28, kapwa nangungupahan sa bahay na pag-aari ng biktima.
Nabatid na nagtungo ang biktima sa paupahang bahay nito upang maningil ng bayad sa renta at kuryente sa mga suspek na nuon ay nag-iinuman ng alak.
Nagbayad ng kalahati ng renta ang suspek na si Jamig na ikinagalit naman ng biktima kaya kinumpronta nito hanggang sa umabot sa matinding pagtatalo.
Habang nasa kainitan ng pagtatalo ay agad na kumuha ng itak at pinagtataga ng suspek na si Jamig, ang biktima hanggang sa duguang bumulagta.
Iniabot ni Jamig ang itak sa kinakapatid na suspek at ito naman ang sumunod na nanaga.
Ilan sa mga kapitbahay ng biktima ang nakakita sa krimen kaya agad na naipaabot sa himpilan ng pulisya.