8 nalibing sa landslide

Walong residente ng Ifugao ang nalibing nang buhay makaraang matabunan ang bahay ng dalawang pamilya sa pagguho ng kinatitirikan nitong lupa bunga ng walang humpay na pag-ulan dulot ng bagyong Hanna, ayon sa ulat ng National Disaster Coordinating Council  (NDCC) kahapon.

Nabatid na dakong alas-10:30 ng gabi kamakalawa nang maganap ang pagguho ng lupa sa Sitio Upper Pitawan, Hingyon, Banaue, Ifugao.

Isa lamang sa mga residente ng naturang mga bahay ang nakaligtas na nakilalang si Denver Bugbog, 9.

Nabatid na pitong bangkay na ang narekober habang nagsasagawa pa rin ng paghuhukay ang search and rescue team upang mahanap ang isa pang bangkay.

Kinilala ni Ifugao Provincial Police Director Pedro Ganir ang mga nasawi na sina Joel Linlingon, 27; Irma Hidaan, 50; Ruby Manwong, 7; Midan Manwong, 5; Johnny Man­wong, 3; Hidaan Cutillo, 30; Julia Linlingon, 58; at Rommel Linlingon. Patuloy pang hinahanap ang isa pang biktima na si  Henry Linlingon, 60.

Sinabi naman ni Anthony Golez Jr., ng Office of Civil Defense na tuluyang isinara na sa trapiko ang Banaue Road habang bukas lamang sa maliliit na mga sasakyan ang Kennon Road sa Baguio City.

Umaabot na rin sa 350 pamilya ang apektado ng pagbaha sa bayan ng Pasil sa lalawigan ng Kalinga.  Nasa 300 pamilya sa 16 na barangay sa Balingasag, Misamis Oriental ang apektado rin ng baha habang 29 bahay ang bahagyang nasira sa baybayin ng Barangay Lun Padidu, Malapatan, Sarangani dahil sa malalakas na alon.

Pinaalalahanan naman ang mga opisyales ng mga local government units na gamitin ang kanilang “police powers” upang puwersahang ilikas ang mga residente na nanga­nganib na tamaan ng “flashfloods” at pagguho ng lupa.

Show comments