Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang posibilidad na isang empleyado sa lokal na sangay ng Land Transportation Office (LTO) sa Butuan Island, San Fernando, Masbate ang nasa likod ng P1.3 bilyong shipment ng shabu na naharang ng pulisya sa isang tumaob na van sa Calamba City kamakailan.
Ito matapos na matukoy kahapon ng pulisya na isang kawani ng LTO sa Masbate na si Dante B. Litada ang may-ari ng tumaob na van na naglalaman ng nasabat na aabot sa P1.3 bilyong halaga ng high grade shabu sa Calamba City, Laguna noong Miyerkules.
Ito ang nabatid kaugnay ng patuloy na imbestigasyon base sa mga dokumento ng Toyota Hi-Ace van na pinagkargahan ng may 246 kilos ng nasabing droga o methamphetamine hydrochloride.
Noong una ay tinaya ng PNP-TMG na nagkakahalaga ng P800,000 ang nasamsam na shabu subalit nang ipasuri ito sa crime laboratory ng pulisya ay napag-alamang high grade ang epektos na aabot sa halagang P1.3 bilyon ang street value.
Sinabi ni PNP-TMG Director, P/Chief Superintendent Perfecto Palad, inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban kay Litada.
Ayon kay Palad, inatasan na niya ang Provincial Police Commander sa Masbate na suyurin ang lugar sa hinalang may malaking pabrika ng shabu dito na pinagmulan ng mga nasabing illegal na droga.
Magugunita na noong Setyembre 26 nasabat ng pulisya ang tinangkang ilusot na shipment ng shabu nang hindi huminto ang nasabing behikulo sa inilatag na police checkpoint sa may Barangay Turbina, Calamba City.
Bunga nito ay nagka roon ng habulan hanggang sa bumaligtad ang van sa bahagi ng Barangay Prinza, Calamba City kung saan nasamsam ang nasabing bulto ng droga subali’t nakatakas ang driver at isa pa nitong kasama. Joy Cantos