CAMP VICENTE LIM, Laguna — Aabot sa 246 kilong high grade shabu na may street value na P1.23 bilyon ang nasabat makaraang maaksidente ang isang van sa South Luzon Expressway na sakop ng Barangay Prinza, Calamba City, Laguna kahapon ng umaga.
Ayon kay P/Chief Supt. Perfecto Palad, hepe ng Traffic Management Group (TMG), napansin ng kanyang mga tauhang nagbabantay sa checkpoint sa may northbound ng Calamba City toll gate, ang isang Toyota Hi-Ace van (WHE-567) at Toyota Revo na naghahabulan bandang alas-10:30 ng umaga
Kaagad namang hinabol ng mga tauhan ni Palad, ang dalawang sasakyan hanggang sa makarating sila sa may Barangay Prinza at matagpuan ang nakataob na Toyota hi-ace van sa gilid ng nabanggit na lugar.
“Sinubukan pang habulin ng TMG ang Toyota Revo, pero hindi na nila inabutan,” pahayag ni Palad sa PSN.
Pagbalik sa pinangyarihan ng aksidente, doon nila nadiskubre ang 25-sako ng high grade shabu sa loob ng van.
Sa isinagawang record check ng TMG sa Land Transportation Office, nadiskubre nila na nakarehistro ang van sa isang Dante Litada ng Barangay Butuan sa bayan ng San Fernando, Masbate.
“Malaki ang paniniwala namin na nagmula sa Masbate ang shabu para dalhin sa Metro Manila nang maaksidente sa Laguna kung saan nakatakas ang dalawang sakay nito,” dagdag pa ni Palad.
Kasalukuyang bineberipika si Litada sa Masbate para linawin kung ano ang kinalaman nito sa mga nasamsam na bilyong halaga ng shabu.
Ayon naman kay P/Supt. Mark Edison Belarma, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (Region 4-A), notoryus ang Barangay Butuan sa Masbate na source ng shabu dahil sinalakay na nila ito noong 2002. (Dagdag ulat ni Joy Cantos)