PANGASINAN — Napatay sa shootout ang isang sundalo ng Phil. Army matapos na makipagbarilan sa dalawang pulis sa harapan ng himpilan ng pulisya sa bayan ng Basista, Pangasinan noong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang napatay na si Rowel Macaraeg, 33, ng Barangay Obong ng nabanggit na bayan, samantalang sugatan naman si SPO4 Oscar Agas na dinala sa Sto. Niño Hospital sa Poblacion, Bayambang.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nagbibisikleta si Macaraeg nang parahin at sitahin ng hepe ng pulisya na si P/Senior Insp. Haron Rasid Ali dahil sa may nakasukbit na baril ito sa baywang.
Hinanapan ng kaukulang papeles si Macaraeg kaugnay sa bitbit na baril subalit sa hindi nabatid na dahilan ay binunot nito ang baril at pinagbabaril ang ilang pulis na nagresulta para tamaan at masugatan si SPO4 Agas.
Gumanti naman ng putok si P/Senior Insp. Ali at tinamaan si Macaraeg na naisugod pa sa Bernal Hospital sa San Carlos City, subalit idineklarang patay. Narekober ang baril ni Macaraeg kasama ang ilang magazine na may bala. Eva Visperas