TRENTO, Agusan del Sur – Mariing itinanggi ng dating mayor ng bayan ng Trento, Agusan del Sur, ang mga akusasyon na siya ang utak ng mga patayang nagaganap sa nabanggit na bayan.
“Puro kasinungalingan at “politically-motivated” ang mga sinabi ni Elmo Numancia laban sa akin bilang mastermind ng mga patayan sa Trento,” pahayag ni ex-Mayor Escolastico M. Hitgano Sr.
“Paano mo paniniwalaan ang isang self-confessed killer na tulad ni Numancia. Malinaw na isang black propaganda lamang ito para mapaboran ang kalaban ng aking asawa,”dagdag pa ni “Eti” Hitgano Sr.
Sinabi pa ni Hitgano na naghain ng petisyon ang natalo niyang kalaban na si Rolando Abutay matapos na iproklama si Irenea “Nene” Hitgano bilang nanalong alkalde, subalit ibinasura ng Municipal Board of Canvassers dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Kamakailan ay nagpetisyon uli si Abutay sa Commission on Elections (Comelec) sa Maynila dahil sa maraming paglabag sa Omnibus Election Code si Irenea Hitgano at kanyang mga katiket na nanalo at maging ang imbestigasyon ay isagawa sa Maynila dahil sa grave danger to the safety and security ng mga testigo.
“Tapos, bigla na lang lalabas ang isang self-confessed killer na tulad ni Numancia at mag-a akusa ng kung anu-ano tungkol sa patayan sa bayan ng Trento, Hindi ba kataka-taka ito”, patanong pa ni “Eti Hitgano Sr.
Nabatid na si Abutay ay nahaharap din sa ilang kaso, kabilang dito ang perjury matapos niyang sabihing dati siyang hepe ng pulisya sa bayan ng Trento, na ayon sa mga record ay hindi naman totoo.