Nangako kahapon si Justice Secretary Raul Gonzalez na tutulungan ng kanyang tanggapan ang mga testigo at kamag-anak ng mga biktima sa mga krimeng kinasasangkutan umano ni dating Trento, Agusan del Sur Mayor Escolastico Hitgano.
Ginawa ni Gonzalez ang pangako kasabay ng pagsasabing, kung may matibay na ebidensya, ipapaaresto niya sa National Bureau of Investigation si Hitgano at ang asawa nitong si Irinea na kasalukuyang alkalde sa naturang bayan.
Tiniyak niya ang proteksyon para sa mga testigo at kaanak ng mga biktima.
Ipinasusuri din mabuti ni Gonzalez sa NBI ang mga ebidensiya at testimonyang gagamitin laban kay Hitgano.
Samantala, sinabi naman ni NBI Director Nestor Mantaring na pormal na isasampa ang kasong kriminal laban kay Hitgano sa darating na Lunes.
Sa ginanap na presscon, pormal na iprinisinta ng NBI ang self-confessed killer na si Elmo Numancia, kasama ang mga testigong sina Linda Oliver, auxillary police na may hawak umano ng blue book na naglalaman ng mga indibiduwal na nakatakdang papatayin at pinapatay ni Hitgano at asawa nitong si Michael Ayong na una ng ipinadukot umano ni Hitgano dahil sa pag-aakalang bumaliktad na ito sa kalabang pulitiko.
Una ng ibinunyag ni Numancia sa NBI na sangkot ang mag-asawang Hitgano sa serye ng patayan sa naturang lalawigan matapos na pagtangkaan umano ang kanyang buhay ng iba pang hired-killers umano ng dating alkalde. (Grace dela Cruz at Rose Tamayo-Tesoro)